Miyerkules, Setyembre 23, 2015


Remembrance: Munting Talumpati

            Una sa lahat, nais kong batiin yaong mga nakaririnig ng bawat salitang namumutawi sa aking bibig ng isang mapagpalang umaga. Tunay na walang mapagsidlan ang kagalakang aking nadarama ngayon dahil ako’y naniniwala na isang karangalang tumayo sa harap ninyong lahat upang maghayag ng isang mapanuring talumpati patungkol sa isyu na siyang kinakaharap ng ating minamahal na bansa.

Isang katanungan ang patuloy na umiinog sa aking isipan; katanungang nararapat lamang na dagling matugunan. Ano nga ba ang tunay na problema ng ating lipunan at waring hindi natin matamasa ang kaunlarang ninanais ng bawat isa?  Ito ba ay dahil sa korapsyon? Kawalan ng pagmamahal sa bayan, wika, kultura at kasaysayan? Kahirapan? O edukasyon?

Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, ay hindi makararating sa paroroonan. Hayaan ninyong gamitin ko ang munting kasaysayan ng ating minamahal na bansa ang “Maniolas”, “Mayi”, “Archipelago of St. Lazaro”, “De Las Islas Filipinas”, at ngayon ang bansang tinatawag nating Pilipinas na perlas ng Silanganan.  Tatlong daang taong tayo'y pinagkaitan, halintulad ng ibon sa hawla na walang kalayaan. Sanlibong patak ng dugo at luha ang dumaloy. Bagsik ng panaghoy ay nagpatuloy. Salamat sa mga dakilang bayaning nag-alay ng sariling buhay, kapit-bisig na lumaban para sa inaasam na kalayaan. Ang haring araw na matagal na nahimbing sa karimlan ay muling nagningning. Balikong tatsulok ay muling naituwid. Lupang Hinirang ay muling naibalik. Hunyo 12,1898 nang mawaksi natin ang tanikalang dala ng mga Espanyol, ngunit nang ito’y mawaksi tila ba isang dalubyo at panaghoy ang dumating at nagpahirap sa atin dahil sa mga Amerikano’t Hapones.  Hulyo 4,1946 nang maging ganap ang pagiging estado ng bansa sa pagkamit ng ikaapat na sangkap ng pagiging isang estado- “ang kalayaan”. Katulad ng isang sisiw na nakalaya sa mababangis na kuko ng mga ibong mandaragit, nakalasap din ang mga Pilipino ng inaasam na kasarinlan matapos ang mga taon ng pananakop ng mga dayuhang nagsamantala at lumikha ng makasariling pamamahala sa ating bansa. Kalunos-lunos ang larawan ng Pilipinas matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa kabila nito, naitatag ang Ikatlong Republika ng ating bansa. Ito ang pinaka-ugat kung bakit lugmok sa kahirapan ang ating bansa, taong 1946 lamang tayo nakapagsarili, kung ating tutuusin mahigit animnnapu’t siyam na taon pa lamang tayo nagsasarili. At ang malungkot na katotohanan pa ay noong mga taon na iyon ay wasak ang ekonomiya ng ating bansa na dala ng ikalawang digmaang pandaigdigan. Alam kong malayo pa ang tatahakin ng bansang Pilipinas upang matamo nito ang kaunlarang nais matamasa, kung baga nasa “experimental method” pa lamang tayo… napakabata pa ng ating bansa… kailangan pa nating lusungin ang malawak na mga karagatan, lakbayin ang madidilim na karimlan at tahakin ang lubak-lubak na daanan.

Hindi maitatanggi na naghahatid ng takot hanggang ngayon ang alala ng Batas Militar sa isip at puso ng mga mamamayang Pilipino na nakasaksi at nakaranas ng hapdi at kalupitan dulot ng diktatoryal na pamahalaan ni Pangulong Marcos. Maraming kalunos-lunos na pangyayaring naganap matapos ideklara ang Proklamasyon 1081.  Kung ating iisiping mabuti, si Pangulong Ferdinand Edralin Marcos, ay isang napakahusay na pangulo. Sa ganang akin, ipinatupad niya ang Martial Law para disiplinahin ang mga Pilipino. Kulang sa disipilina tayong mga Pilipino, nais lamang natin ng pagbabago sa estado ng ating buhay, ngunit sa ating mga sarili ay hindi natin ninanais magbago. Isa ito sa mga isyu na kailangan nating matugunan. Naharati lamang tayo na mabuhay sa nakasanayan nating buhay. Ang mga Pilipino’y laging isinisisi ang kahirapan nila sa gobyerno, ngunit kung ating titingnan mabuti, sila mismo ang dahilan kung bakit sila nalulugmok sa kinasasadlakan nilang estado ng buhay.  Kalimutan natin ang pagkakaiba ng ating mga paniniwalang pampulitika at isa isip na nabibilang tayo sa iisang bansa. Kailangan nating magtulungan.  Ang bawat mamamayang Pilipino  ay dapat may adhikaing tumulong at mag-ambag ng kakayahan at talino tungo sa kadakilaan at kaunlaran ng Pilipinas. Dito nasusukat ang halaga ng kanyang pagkamamamayan.

Kapag ang isang bata ay inagawan ng kanyang laruan o gamit, ito ay kusang iiyak at parang sinasabi na, “Akin ‘yan.” Karaniwan sa bata ang pagiging mapag-angkin sa kanyang gamit. Alam niya kung ano ang kanya. Isang magandang katangian ng bata ang pagiging masinop sa kaniyang gamit. Ito ay maganda ring tularan kung nais alamin ang nasasakupang hangganan ng Pilipinas. Dapat ay kilala ng mga Pilipino ang kanilang teritoryo kasabay ang pag-iingat at pagpapahalaga rito. Ikalawang isyu na kinahaharap ng ating bansa ay hindi natin kayang mapangalagaan ang ating sariling mga teritoryo. Nakalulugmok mang isipin na tila ba isa lamang tayong langgam na inaapakan ng higanteng China na akala mo kung sino na nagmamay-ari ng West Phillipine Sea o ang Spartly Island.  Mapapansin mong ilang salinlahi na ang nakibaka’t nakipaglaban at nasawi alang-alang sa pagtatanggol sa kalayaan ng ating bayan. Ngayon, tayo’y nabubuhay taglay ang kalayaang kanilang buong pusong ipinaglaban. Salamat sa lahing Pilipino! Marapat lamang na saluduhan ang kagitingang kanilang nagawa para sa bayan. Ikaw, handa mo bang ialay ang iyong buhay para sa bayan? Sa iyong pagsagot sa tanong na ito, tandaan ang winika ni Jose Abad Santos, “Hindi lahat ay nagkakaroon ng pagkakataong mamatay para sa bayan.” Kailangan nating magkaisa’t magtulungan upang makagawa ng pamamaraan para maipagtanggol yaring bansa.

Isa pa sa mga isyu na kinakaharap ng ating bansa ay ang hindi matapat na paglilingkod ng mga kawani ng ating pamahalaan. Laganap ang korapsyon sa ating bansa. Walang tigil na pangbabatikus sa kapwa politiko ang laman ng mga balita sa pahayagan maging sa telebisyon. Tila ba mas ninanais nilang magsiraan na lamang kaysa maglingkod sa bayan. Hayaan ninyong ihayag ko sa inyo kung gaano na kataliwas ang katapatan sa puso ng bawa’t Pilipino. Ayon sa mga tala sa kasaysayan, likas na ang pagiging tapat nating mga Pilipino. Sa panahon ng Dinastiya ng Ming at Sung, nakikipagkalakalan na ang mga Tsino sa ating bansa. Sinasabi na ang mga Tsino ay hinahayaan lamang ang kanilang mga produkto sa ating bansa dahil nakatitiyak sila na hindi ito mananakaw at malulugi dahil sa katapatang ipinamamalas ng mga Pilipino. Sa kabilang dako, nang sumapit ang ika-labing apat at labing limang siglo, nagsimulang lakbayin ng mga nabigador ang malawak na mga karagatan para makahanap ng mga hilaw na materyales. Nang masakop ang Pilipinas ng mga Espanyol, dito na unti-unting nawala ang katapatan ng mga Pilipino. Sa pag-aaral sa Antropolohiya, ang katapatang tinataglay ng mga Pilipino ay mala bulang unti-unting naglaho dahil sa mga batas at panukalang ipinatupad ng mga Espanyol na lubhang labag sa mga Pilipino. Nang makalaya ang bansang Pilipinas sa mga mananakop ay unti-unting bumabalik sa bawa’t isa ang katapatan. Katapatang napagtibay ng mga panrelihiyong aralin. Ngunit, sa panahon natin ngayon; masasabi ba nating naibalik na nang lubusan ang katapatan sa puso ng bawa’t isa o di naman kaya’y tuluyan nang nabago ang kahulugan nito dahil sa mala kisap-matang pagbabago. “Be the change you wish to see the earth, ika nga ni Mahatma Gandhi. Likas na sa ating mga Pinoy ang magreklamo sa pamahalaan sa di-umanong “hindi matapat na pamumuno” nito. Ngunit di natin naitatatong sa ating mga sarili kung tayo rin ba ay tapat na naglilingkod sa sarili, kapwa, at bansa. Lagi tayong nag-aasam ng pagbabago, pagbabagong kung lubusang susuriin ay tunay na pansariling interes lamang. Sa dakong huli, kung nais talaga ng isang tao ng pagbabago, sisimulan niya ito sa sarili sa pagiging tapat; pagiging matapat na magdudulot ng tunay na kasaganahan at kapayapaan sa ating bansa.
Bilang isa sa mga taong naghahangad ng pagbabago, sisimulan ko ito sa aking sarili. Sisimulan kong manghikayat ng mga bagong lider na magsusulong ng katapatan sa ating bansa. Ang matapat na lider, hindi tinitingnan ang posisyon at ranggo niya para makatulong. Ang matapat na paglilingkod ay hindi lamang pagbibigay ng serbisyo kundi pagpapakita rin ng pagmamahal sa kapwa, ipinaaalala sa atin ng “Para sa Lakas ng mga Kabataan” na ang pagiging hindi matapat ay nakasasakit sa sarili at sa iba. Kapag kayo ay nagsisinungaling, nagnanakaw, nangungupit, o nandaraya, pinipinsala ninyo ang inyong espiritu at ang pakikipag-ugnayan ninyo sa iba. Ang pagiging tapat ay magpapaganda ng inyong mga oportunidad sa hinaharap at magdaragdag sa inyong kakayahang magabayan ng Espiritu Santo.” Hayaan niyong ipakilala ko sa inyo ang isang huwarang lider na dapat niyong tularan, lider na tagapagtaguyod ng pinakama-unlad at pinakasikat na kompanya sa buong mundo, ang IBM (International Business Machine) na si Buck Rodger. Ayon sa kanya, ang matapat na lider ay nararapat na tapat sa kaniyang kilos at salita. Ginagamit niya ang kaniyang mga salita para magserbisyo’t maging inspirasyon sa kaniyang mga tauhan, mahilig siyang gumamit ng “motivational words” sa Ingles. Sunod sa kaniyang paniniwala, magiging tapat kang lider kung inuuna mo ang kapakanan ng nakararami kaysa sa mga materyal na bagay.. Ang totoong sukatan ng totoong integridad at ganap na katapatan ay kung ano ang ginagawa ninyo kapag walang nakakaalam ng iniisip, sinasabi, o ginagawa ninyo. Ang pagiging tapat ding lider ay ang pagiging bukas at transparent sa mga tauhan o kapwa. Siya rin ay responsable sa mga gawaing nararapat niyang gawin. Hindi masasabing matapat na lider ang isang tao kung sa simula’t sapol pansariling interes lamang ang kaniyang hangad para sa katayuang maari niyang makuha. “Never sacrifice your integrity for a few cost” ika nga. Mga kabataang mulat sa tunay na estado ng ating bansa, nais kong sabihin ang katagang “Heal the World, make it a better place for you and for me and the entire race”.
            Isang malaking isyu rin na kinahaharap ng ating bansa ay ang kawalan ng mga mamamayan nito ng pagmamahal sa sariling bansa, tila ba nabilog na ng neo-kolonyalismo ang kanilang mga utak at tuluyan nang naglaho ang patriotismo at nasyonalismo sa puso ng bawat isa.
“Kung isasabuhay natin ang pagmamahal sa bayan; may mangyayari bang patayan? May manloloob at magmamalabis ba sa kapwa? May mga negosyante bang magtatago ng kanilang paninda upang lumakas ang “demand” at tumaas ang presyo ng bilihin? Uusbung ba ang walang katapusang isyu ng korapsyon? May mangyayari bang kalamidad na likha ng tao dahil sa walang pakundangang pagsira ng likas na yaman?” Ibig sabihin: “Kulang sa pagmamahal ang Pilipino sa sariling bayan” Nasaan na kaya ang kabataang pag-asa ng bayan?
Kung may pagmamahal ang isang tao sa kinagisnang bayan, lahat ng bagay na makabubuti rito ay hahamakin niya kahit na hindi masunod ang layaw ng pansariling interes. Ipinararating nito na ang bawat indibidwal ay nararapat na gumawa ng hakbang tungo sa magandang kanabukasan ng sariling bansa. Hindi sapat ang dangal at kagalingan ng tao kung hindi naman ito gagamitin sa wastong pamamaraan.
Patungkol naman sa trabaho, hindi na dapat natin itong problemahin sapagkat ito’y unti-unti nang nasususlusyonan ng ating pamahalaan. Tayo na lamang ang dapat kumilos para magkatrabaho dahil kahit anong trabaho pa ang ipagkaloob ng ating gobyerno, kung ayaw naman ng taong magtrabaho ay wala rin itong magagawa. Pinatunayan ito sa SONA ng ating presidente Noynoy, ayon sa kanya “Di po ba't may kasabihan tayo: Bigyan mo ng isda ang tao, at mapapakain mo siya ng isang araw. Turuan mo siyang mangisda, at habambuhay niyang mapapakain ang sarili niya. Halimbawa nito ay ang TESDA. Sa Training-for-Work Scholarship Program, nag-ambag ang DAP ng 1.6 billion pesos. Nakapagpatapos po ito ng 223,615 benepisyaryo. 66 percent po nito-o katumbas ng 146,731 graduates-ang nagtatrabaho na ngayon. Iyon naman pong 34 percent na natitira, tinutulungan na rin ng TESDA na makahanap ng trabaho. Tingnan po ninyo: Lahat po ng mga TESDA scholar, nakalista ang pangalan at iba pang datos, na puwede ninyong kumpirmahin. “
 
Malaking isyu rin ang malawakang pagdami ng mga nangingibang bansa. Tuluyan nang umusbong ang Filipino Diaspora. Nakasaad sa Veritas846.ph na bawat taon ay tinatayang mahigit sa isa punto limang milyong mga Pilipino ang umaalis ng bansa para maghanap ng trabaho’t makipagsapalaran. Katumbas ito ng mahigit sa 125,000 na mga Pilipino na lumilipad kada buwan patungo sa iba’t-ibang dako ng mundo. Diasporang tunay! Kung ang bawat propesyonal at batikan na manggagawa ay magsasama-sama’t magbubuklod-buklod, pag-unlad at pag-asenso ang siyang mararanasan.  “United we stand, divided we fall” ika nga.
Sa aking palagay, ang pinakamalaking isyu na kinakaharap ng ating bansa ay ang hindi sistematikong edukasyon. Kung tutuusin, Karamihan sa mga taong naglilingkod sa bansa ay pawang mga produkto ng University of the Philippines, De La Salle University, Ateneo De Manila at ilan pang matataas na unibersidad na kung nagtataglay raw ng pambihirang katalinuhan, ngunit bakit tila nasasadlak parin tayo sa ganitong estado ng bansa. Ang nakikita kong solusyon dito ay kailangan nating mas pagtibayin ang pagpapahalaga sa tinatawag na “wisdom” kaysa sa tinatawag na “knowledge”.
Kapansin-pansin sa pag-aaral ng ating kasaysayan ang pag-usbong ng nasyonalismo sa tuwing may natatapakang karapatan, sa tuwing ang pamamahala’y umaabuso sa kapangyarihan, at kapag ang bayan ay tuluyang nasasadlak sa kahirapan. Tiyak na may tatayo, makikibaka, at maninindigan hanggang sa kanyang huling hininga upang ipaglaban ang inaakala niyang tama para sa minamahal na Inang Bayan.
            Ang mga kabataan ay nagsisimula pa lamang humawan ng magandang landas na nais nilang tahakin. Sa paglalakbay na ito ay di dapat kalimutang lingunin ang pinanggalingan, ang kabayanihang ipinamalas ni Rizal, Bonifacio, Del Pilar at ng iba pang bayaning walang bantayog.
Pag-aralan, alamin at suriin ang kasaysayan nag sagayo’y maiwasan ang mga kamalian at tuklasin kung paano makabangon muli ang ating bayan. Ang bawat Pilipino’y nararapat na kumilos para sa ikagaganda ng bansa. Nabuhay tayo sa henerasyong may kalayaan tayong natatamasa. Ang kasarinlan ito ay hindi basta-basta hiningi bagkus ito ay buong pusong pinaglaban ng ating mga bayani para sa ikabubuti ng ating bansa. At siyempre, nariyang nanguna ang dakilang si Dr. Jose Rizal sa pagbabago; pagbabagong maaari nating matamasa ngayon! Aminin man natin o hindi, sadyang napakayaman ng ating bansa, ngunit tila ang kasaganahang ito’y hindi kayang mapamahalaan, ang mga pulitikong nagmula sa mga matataas na unibersidad na inaasahan natin na mangunguna sa pagbabago, ay tila sila pa ang siyang nagdadagdag pahirap at problema sa ating bansa.
Maaari nating makamit ang tinatawag na kasaganahan, kung ang bawat isa ay magiging isang kawayan, kawayan na kayang  tumayo nang matayog sa kabila ng panaghoy na dumarating. Nararapat na tayong lahat ay magkaroon ng dangal at kagalingan na maari nating magamit sa pagtulong sa ating bansa.  Alalahanin po natin: Nasa Diyos ang awa; nasa tao ang gawa.
Muli, magandang umaga at maraming salamat sa pakikinig.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento